
10:08 pm
03-10-09
“Sige Pumunta kayo.” Maniwala kayo’t hindi, boss namin ang nagsabi nito nung napagusapan namin ang pumunta sa Christ the King Chapel kung saan naroon ang labi ni Francis “Kiko” Magalona.
Napag-kuwentuhan namin ang mga nabasa at nakita naming sa tatlong website (http://francismagalona.multiply.com/,http://magalona.com/, http://happybattle.multiply.com/) na nagpapakita ng mga larawan ni Francis M. at kung saan nakasalaysay ang mga kaganapan sa buhay ni Francis M. at ng kanyang pamilya nung siya ay nagpapagamot ng sakit niyang 1acute myelogenous leukemia.
Naawa at may kirot sa puso na inaalala namin ang mga pasa sa braso ni Francis M. na dulot ng mga dextrose at injection. Dahil unti-unti ng nakikita ang pagbabago sa katawan nito, ‘di ko nais maalala siya sa larawan kung saan siya ay nakasuot ng Brown na bonnet at ang mukha’y maputla at nakikitaan ng lungkot ang kanyang mga mata.
Kanina, habang nasa pila kami ng mga nais sumulyap sa huling pagkakataon kay Francis M. ay walang bukang bibig ang mga taga-hanga na naroon kundi panghihinayang. Panghihinayang sa maagang paglisan ni Francis M. sa talents na maaari pa niya ibahagi sa mga kabataan at lalo na sa pagiging “True Pinoy Pride.”
Excitement, kaba at lungkot ang nararamdaman ko habang papalapit na kami sa loob ng chapel, kung saan mismo naroon ang labi ni Francis M.. Sa may gate ng chapel pa lamang ay paulit-ulit na sinasabi ng mga sundalong naroon na bawal kumuha ng pictures at video. Doon din bago pumasok ng chapel ay nag-uumapaw na ang mga bulaklak. May carpet na pula ang daanan ng mga taga-hanga na susulyap kay Francis M. at may harang ang bandang gitna ng chapel kung saan naroon ang mga kaibigan at kamag-anak ng pamilya nila Pia at Francis M.
Sinubukan ko tignan o kilalanin ang mga tao na naroon dahil nais ko makita si Maxene at Pia. Subalit wala sila roon at malamang ay sa gabi sila nagbabantay. Bago ako tuluyang naglakad papalapit sa kabaong ni Francis M. ay napansin
ko ang grupo ng media na nasa may kanang bahagi mula sa pinto.
Napaka-simple at ang gaan ng pakiramdam sa loob ng chapel. Tumutugtog ang mga awitin na nilikha ni Francis M. At nung nasa tapat na ako ng labi ni Francis M. ay tanging mukha lamang niya ang tinignan ko, ang baby face at kahit wala ng buhay ay makikita pa rin ang ka-gwapuhan nito. Mapapansin ang pagliit ng mukha niya, suot niya ang itim na ternong amerikana at ayon sa aking mga kaibigan ay may hawak itong gintong rosary.
Hindi pwede magtagal sa loob ng chapel ang mga taga-hanga kaya’t tuloy-tuloy ang daloy ng pila ng mga nais sumulyap sa labi ni Francis M.. At sa may bandang ulo ni Francis M. ay nakatayo roon and isang sundalo na nagsisiguro na walang makakahawak sa salamin ng kabaong ni Francis M. at nagbabantay ito na hindi makuhaan ng picture o video.
Bago tuluyang maka-labas ng chapel ay muli akong sumulyap sa mga kamag-anak at kaibigan na naroon sa loob ng chapel, at nagbabaka-sakaling naroon nga si Maxene at asawa ni Francis M. na si Pia, subalit, wala talaga sila. Sa may hallway paglabas ng chapel ay may isang lalaking pasaway na pilit kumuha ng larawan ni Francis M. hinayaan na naming siya at lumabas na kami. Naroon din sa hallway na yun ang iba pang mga bulaklak na alay kay Francis M.
Paglabas ng gate ng chapel ay naroon sa may main door ng chapel ang dalawang anak ni Francis M. na sina Saab at Frank Jr. Si Saab ay pina-batang Maxene dahil magka-mukha talaga sila at si Frank Jr. naman ay matangkad at may karismang hindi maitatanggi.
Bago tuluyang lumabas ng Christ the King grounds ay bahagyang naiwan ako ng mga kaibigan ko dahil kumuha pa ako ng pictures ng labas ng chapel, ng poster ni Francis M. na may naka-sulat na “One Love” at kasamang napicturan ko ay ang magkapatid na Saab at Frank Jr.
Mahaba na ang pila ng mga taga-hanga na nasa labas ng simbahan nung tumawid kami sa kabilang kalsada mula sa simb
ahan. Doon ay saglit na nagpahinga kami at nagpicture taking bilang alaala sa una’t-huling sulyap namin kay Francis M.
Bumalik na kami sa office matapos manggaling sa Christ the King Chapel. Tinapos namin ang araw na may ilan-ilang buntong hininga sa tuwing maaalala si Francis M. at sa tuwing nanghihinayang kami sa pagka wala niya.
Kinagabihan, bago umuwi ay dumaan kami sa Tiendesitas para mag-hapunan. Doon ay saglit na nag-ikot kami at nagpahinga habang hinihintay ang isa pa naming kaibigan. Habang naka-upo ang mga kaibigan ko ay lumapit ako sa booksale stand na naroon at namili ng libro para sa pamangkin at anak ko.
Maya-maya ay may tumugtog ba pamilyar na musika mula sa entablado, na nasa gawi ng mga kainan. Tumugtog ang kantang Proxy, kung saan ito ay isa sa mga kanta ni Francis M. kasama si Ely Buendia ng Eraserheads.
Matapos ako magbayad ng mga librong napili ko ay naghanap na kami ng makakainan. Tanaw namin ang entablado at naaaninag ang mukha ng bandang naroon. Habang pumipili kami ng makakain ay tuloy-tuloy ang pagtug-tog ng mga kanta ni Francis M. nasabi namin na malamang ay tribute ito sa True Pinoy Pride Francis M. Si loughee ng Eat Bulaga ang bandang naroon.
Nakaka-distract yung kanta, nabibitin ang pagkain ko dahil parang na
iiyak ako ng mga saglit na iyon. Masakit na yung lalamunan ko dahil hindi ko mailabas ang kirot sa puso ko.
Francis “Kiko” Magalona, salamat sa malaking kontribusyon mo sa mundo natin. Sa mga talentong naibahagi mo, sa mga payo na naibigay mo sa mga nangailangan, sa pagiging modelo ng isang pagiging “True Pinoy Pride!”
Hanggang sa muli Francis M…..
1http://en.wikipedia.org/wiki/Francis_Magalona